Tahooooooo!

Taho

Tahooooo! Iyan ang sigaw sa umaga na inaabangan lalo na ng mga mahilig sa semi-likidong almusal. Nagsisilbi itong hudyat ⏰ para sa marami dahil maasahang nasa takdang oras ang pagdating ng magtataho.

Ang ating suking magtataho

Matapos ang rituwal ng magtataho na tanggalin ang parang tubig na katas na laging pumapaibabaw tuwing magbubukas ng takip ang magtataho sa kanyang mga timbang stainless, siya ay mabilis na sumasalok gamit ang kanyang pinasadyang maliit na sandok na may eksaktong lalim lang parang kumuha ng maninipis pero buong mga kapa ng mainit na taho.

Tahoo, sago at arnibal

Hati sa dalawang pintong sara ang timba kung nasan ang sago, arnibal at ang kaha ng benta. Sago naman ang susunod na idaragdag sa baso. Gamit pa rin ang pansalok na may mahabang hawakan, ilalagay na ang arnibal. Dalawang sukat ang kadalasang inilalagay pero puwede pa namang humirit ng karagdagan kung mataas ang timpla mo sa matamis.

Taho, express almusal

Kay suki, kapag naglabas ka ng sarili mong tasa may maasahan kang dagdag na taho kasi hindi na mababawasan ang kanyang mga plastic cups.

Suking magtataho, hanggang sa muli