Tupperlicious 2.0
Nagbabalik ang seryeng ito dahil nagsimula uli akong maghanda ng baon sa trabaho.
Maraming bentaha kapag nagbabaon ka. Makakain mo ang gusto kahit pa tira lang iyan sa mga inulam ninyo. O dahil sinipag ka at naihanda mo ito sa gabi pa lang o sa umaga dahil gumising ka ng mas maaga para magluto ng almusal damay na rin siyempre ang baon mo sa pananghalian.
Ang baon ko ay pinaghalong tirang ulam at kung kailangan pa, hahanap o iimbento ng pandagdag sa baon.
Baon Box: Japchae, kimchi & curried scrambled eggs
Ang back story ng baon: Para maiba naman ang handa, Japchae & Gyoza ang ginawa namin para sa aming mga bisita sa bahay noong Linggo. Korean noodle dish ang Japchae. Japanese dumpling naman ang Gyoza. Talagang nag-enjoy ang barkada sa mga unexpected dishes!
May natira pang Japchae pero sold-out ang Gyoza! Ang kimchi naman ay lagi na riyan lang sa ref. Check.
Kaya para mapunuan ang puwang, kailangan umimbento... Sa katunayan, may itlog na ang Japchae pero dahil hindi na ito ang Japchae noong Linggo, puwedeng bumawi sa walang itlog at ito ang idagdag sa puwang sa baonan. At para mabalanse ang kaunting tamis ng noodles, naisip kong gumawa ng curried scrambled eggs.
Sakto na para sa baon! At sa maraming kaso ng tirang ulam, mas masarap ito sa susunod na araw gaya ng baon ko ng mga tirang ulam.
Baon tips: Huwag gawing lutung-luto ang scrambled eggs kapag inihanda dahil matatapos ang luto nito kapag inilagay mo, para initin ang baon, sa microwave.
Baon Box: Fish curry fried rice, guisantes con jamón & egg strips
Ang fish curry fried rice ay parang ang karaniwang fried rice pero sinahugan ng isda at binudburan ng curry at paprika. At dahil sinangag, bahaw ang ginamit at brown rice ang available nang ginawa ko ito!
Merluza ang ginamit kong isda dahil filete na ito ng mabili. Ang guisantes con jamón naman ay typical na Spanish dish gamit ang maraming guisantes na ginisa sa sibuyas at tinadtad na jamón curado. At sariwang kamatis ang pinaka-gulay na noong kinain ay hiniwa at nilagyang ng aceite oliva extra virgen at asin ang nagsilbing fresh salad.
Sulit talaga ang anumang pahahanda para mag-baon!